Huwebes, Mayo 12, 2011

...ni ako hindi ko kilala kung sino ako


...ni ako hindi ko kilala kung sino ako
BSA1-30D

          Maagang nakarating ang isang negosyante sa terminal ng eroplano kung kaya, naghintay muna siya ng ilang saglit sa lobby upang magpahinga. Hindi rin nagtagal ay may nakita siyang isang matandang lalaking magulo ang pananamit at Madungis. Ang matanda ay lilinga-linga sa may lobby at wari’y may hinahanap. Nais kausapin ng negosyante ang matandang lalaking halos kapos na at nais magpapasikat. “Ilang taon din akong nagtiis sa mahirap kong buhay at nang ako ay yumaman, itinigil ko na rin ang naghihirap kong buhay. Ang lahat ng nakaraan ko ay binura ko na. Ayaw ko nang balikan ang mga nangyayari sa buhay ko. Ngunit ang lahat ng ito pala ay nagresulta sa isang pagkawasak. Kaibigan, kamag-anak at pamilya, lahat sila ay naapektuhan ng aking yaman. Lahat sila ay lumisan at nawala. Pero ano ngayon? Balang araw mapapalitan ko na rin ang puwesto ng pinakamayamang tao dito sa bansa.” “Oh eh di maganda, at least masaya ka sa kung ano ka na ngayon. Pero ang kasiyahang iyan ay unti-unti ring mawawala. Balang araw ay mababayaran mo na kung ano ang iyong ginawa. Hindi ka katulad ng isang taong naghirap ng naghirap. Muntik na siyang mawalan ng mga mahal sa buhay, ngunit hindi pa rin siya sumuko. Ang pag-unlad niya ay ang pag-unlad din ng pamilya niya, kaibigan at kamag-anak. Eh kaya nga napakayaman na nila kasi hindi siya gumamit ng kasamaan, kasakiman at pagiging makasarili. Iniisip niya pa rin kung ano ang mas makakabuti sa lahat. Mas ninais niyang guminhawa ang nasa paligid niya bago siya. Hindi siya nagpadaig sa tukso o sinunod kung ano ang nais ng paligid niya, ng kanyang Lipunan at ng demonyong bumubulong sa kanya. Matindi ang kanyang pilosopiya at pinaninindigan niya ito. Kaya ngayon, masarap na buhay niya. Hindi na niya kailangang lumipad pa para kumuha ng yaman sapagkat ang yaman niya ay nasa paligid niya at sa nakikita niya.” Nagulumihanan ang negosyante at halatang napatamaan siya. Kaya naman napasigaw ang negosyante at sinabi, “AT sino ka naman para magsalita ng ganyan. Sa tingin mo mukha kang mayaman puwes, manigas ka. Hindi kita babahagian ng yaman ko.” “Nakikita mo ba ang lahat ng eroplanong iyan, Lahat ng iyan ay galing sa pinakamayamang tao sa buong bansa, Kasama na ang ibang brand ng damit, de lata, relo, malls at iba pa.” “Bakit mo alam? Bakit? nakita mo na ba siya?” Ani ng matanda, “Hindi, ngunit kinakausap mo siya ngayon.”

          Hindi ko akalaing darating ang panahong maisusulat ko ang repleksyong ito. Ang lahat ng pagdadalamhati ko, pagsasaya, pagkalungkot, pagkagalit, pagdaramdam ay sa wakas ay mailalagay ko na sa kauna-unahang replekyong ito. Batid kong magkatulad kami ng mga tauhan sa kuwento, ang matanda at ang negosyante. Lahat ng tao sa mundo ay naghahangad ng kapayapaan at kaginhawaan ngunit hindi lahat ng mga tao ay katulad din sa matanda na maaalalahanin. Hindi siya makasarili ni mayabang. Ang katauhan ng isang tao ay tulad ng isang salamin. Kahit ano man ang gawin mo sa salamin, hindi mo pa rin makikita ang repleksyon mo sa salamin yaong ang tunay na sarili mo. Ang gawain ng salamin ay maipahayag kung ano ang tingin ng tao sa iyo, At ito ang iyong pisikal na katauhan o pisikal na kaanyuan. Hindi rapat nasusukat ang tunay na sarili sa mga “pisikal” lamang kundi kung ano ang silbi nito. 

         Ang tunay na sarili ay nakikita sa panloob, hindi kung ano ang nasasabi o kung ano ang opinyon kundi ang sarili na hindi naipapakita sa iba. Iyon ang totoong sarili. Bakit? Marahil ay marami ang tututol sa aking pananaw ngunit iyon ang aking nararamdaman. Ang ganang aking sarili ay mayabang, matigas ang ulo, makasalanan, mapanirang-puri, sinungaling, magnanakaw, mapagmataas, sakim, busog sa kasakiman, gutom sa kabutihan, mapang-api, mapanlait at marami pang iba na taliwas sa nakikita ng marami. Kahit naman sinong tao ay kailanman ay may sariling pribadisasyon. may sariling pribisiya. Itago kung ano rapat na itago. Kaya nga ang karamihan sa aking mga adhikain ay nagiging adhikain lamang. Masama ba ang lahat kong ginagawa o sadyang gumaganti lamang ako sa mga umaapi sa akin. Bata pa lamang ako ay wala na akong kaibigan, walang mapagtatanungan. Eh paano kasi, bawal akong palabasin sa bahay. Lagi na lamang ako nakakulong kaya may mga pagkakataong nahihirapan akong magkaroon ng kaibigan. Masama ba na hindi ko maintindihan ang tinatawag na PAKIKIPAGKAIBIGAN? Masama ba kung ang mga simpleng gawain ay hindi ko maintindihan? Ang lahat ng mga tao ay may tinatagong kasamaan sa kanila, tulad ng barya na hindi mo makita kung ano ang nasa ilalim nito. Kahit ang mga banal ay makasalanan. Aminin na lamang natin na nagkakasala tayo ngunit may mga pagkakataong hindi tayo nagsisisi. Ako? Naku, sobra maaari na akong mapunta sa impyerno niyan. Bihira magdasal, magsisi at manampalataya.  

         Hindi ko kagustuhan kung ano ako at kung bakit ako naririto sa mundo. Ang masisigurado ko lamang ay naandito ako upang magpakabuti, magpakabanal at magpakalingkod sa Diyos. Diyos? Siya ang nilalang ng lahat ng bagay. Malamang hindi ako naririto kung wala siya. Wala ako kung wala siya. Ang Diyos ang nagbibigay sa akin ng lakas, ng enerhiya at gabay kung ano ang mga dapat kung gawin. Siya rin ang tagapayapa ng aking damdamin. Siya rin ang tagahatid sa akin sa tagumpay. Ako ay iyong taong negosyante, nais ng marangyang buhay, maging tanyag at makuha ang adhikain niya ngunit may kulang. Ang matandang lalaki naman ay mukhang wala na siyang kakailanganin ngunit mayroon pa. Ang paghahanap niya at pag-iiling ang siyang ebidensiya. Wari’y may hinahanap. Kahit ang mga tauhan sa kuwento ay may kakulangan tulad ko na dapat na makuha kung ano ang mga kakulangang iyon. 

         TADHANA- ito ay isang pangyayari sa buhay ng tao hindi maiwasan at tanging ang Diyos lamang ang nakaaalam at nasa atin na iyon kung papaano natin bubuuin ang ating tadhana. FREE WILL- ito ay ang pagdedesisyon ng isang tao sa isang partikular na sitwasyon. Marahil ay may kamalian ako ngunit ito any aking nararanasan. Ang FREE WILL at ang TADHANA o fate ay may kinalaman sa isa’t isa. Ang dalawang ito ay sabay na nagaganap sa isang pangyayari. kung nais ko ng bagay na ito, alam ko kung ano na ang mangyayari. Ang FREE WILL at TADHANA ay isa sa pinakamahalagang pangyayari sa buhay ko. Sa mga ito nakadepende kung ano talaga ako. Sa mga ito hinuhubog ang pagkatao at nakatututo ng maraming bagay. Ang Tadhana ang nagbibigay sa akin ng leksyon kung ano na ang gagawin ko. Tulad nalamang sa kolehiyo ng Pagtutuos. Ang FREE WILL ko ay malampasan ang mga mahihirap na examinations, higit na may matutunan at upang makapasa. Ang FREE WILL ay desisyon mo lamang o kung ano ang mangyayari sa buhay mo. Ang Kalayaan mong kumilos ang magtatakda kung ano ang kapalaran o TADHANA mo. Tulad ko, ako ay bumagsak sa kolehiyo sapagkat wala pa akong sapat na dedikasyon sa kursong iyon o kaya hindi lamang ako pinahintulutan ng Diyos dahil alam niyang makasasama iyon sa akin. Ang mga pangyayaring iyon ay mahahalaga upang maging ganap na tao. Ano nga ba ako? Isa lamang akong nilalang sa mundong ito. Isang laruan. Isang tagapangalaga na ang layunin ay linangin ang lahat ng gawa ng Diyos. Medyo malalim ang kung bakit naririto ang tao. Ito ang pinakamalaki kong TADHANAang sumunod sa maylikha o sa creator. Ang Diyos lamang ang nakaaalam kung ano ako. Alam kong hindi ako maintindihan ng mga tao sa paligid dahil ang tanging nakikita laamng nila ay ang ako na nakaharap sa salamin. Minsan nga ay nagugulo ang isip ko kung ano ba ang nagawa kong kasalanan kung bakit nila ako inaapi o sinasaktan. Tao naman tayong lahat, hindi ba? Bakit patuloy ang tao sa paghusga sa mga taong wala namang kasalanan. Masakit na ang katulad ko na mahina at marupok ay nagagawa nilang saktan. Isa itong kalapastanganan sa aking pagkatao. Kahit papaano nais ko namang ibalik ang tiwala ng mga tao. Mawala na ang mga pagdududa. Ako ngayo’y napapaluha dahil sa lahat ng mga nangyaring kaapihan, sa paaralan, sa komunidad at sa probinsiya, hindi pa rin ako nagpatinag, katulad ng matandang lalaki. 

         FREEDOM? Kalayaan? Sa totoo lamang ay wala naman talagang kalayaan, ito lamang ay napagkasunduan. galing ito sa salitang malaya na ibig sabihin ay pagsasarili o hindi pag asa sa iba. Madalas na ito ay ginagamit sa isang bansa o kaya sa isang preso. Ngunit ang salitang paglaya ng tao mula sa mundo ay napakaimposible. Tulad ko nais kong matapos ang kursong Pagtutuos ngunit hindi iyon naibigay sa akin. Ito ay dahil wala akong kalayaang makuha kung ano ang nais ko. Ni hindi ko magawang pumatay. Kung maaari nga lang na pumatay ng tao ng walang pag aalinlangan eh hindi sana ako bumagsak. Ang TADHANA ay ang pagkontrol ng Diyos sa buhay ng tao upang hindi mapahamak, bigyan ng karampatang aral at gabayan. Ngunit ako mismo ay hindi ko maisagawa sapagkat ako ay tao lamang. Ni hindi ko man lamang magawa na sumigaw ni tumalon-talon sa kalsada dahil lamang sa kung ano ang nakikita ng tao sa angkaraniwang gawain. Ang pagiging iba sa kasarian. Ang laging natatamasa ko. Hindi ba puwedeng kumembot na lamang at makisalo sa mga kababaihan. Sabi raw kapag wala kang sports, Homosexual ka na. HINDI! Mismo ang Homosexual ay napagkasunduan lamang na ang layon ay maibukod ang mga ito sa “tunay” na lalaki at babae. Hindi naman nila ito gusto. Ang nais lamang ay maipahayag ang tunay na nadarama nila. Ang pagiging malaya sa lahat. kapayapaan. Kaginhawaan. Pag-unlad. Kung maari lamang sana na umiyak kaso hindi. ako ay naiipit sa mga sitwasyong ayaw ng mga tao. Tunay ngang walang Kalayaan. Marahil ay ang kalayaan ay matatamo ko sa ibang lugar, wala rito yaong wala ng kadiliman at puro kabutihan na lamang. Ako ay Naparito upang patunayan sa Diyos na ako ay mabuti, pagdarasal, pagsamba, paniniwala at iba pa. Marahil ay masiyado ng matalas ang dila ko ngunit ako ito. Matalas talaga ang dila at naghahanap ng mga kasagutang mahirap sagutin. Walang makauunawa nito. Hayo kayo at husgahan! Diyan kayo magaling, ang mamintas ng gawa ng kapwa. Nais lamang ninyo ang kabutihan ko ngunit hindi ninyo man lamang naisip kung ano ang nararamdaman ko. Marahil may mga mali ako, ngunit alam ko sa sarili ko kung ano ang tama at ano ang pagkakamali ko. Alam kong maraming mali ito at alam ko iyon. Naikikintal din naman kasi agad sa akin ang lahat. Isa akong makasalanang tao. At kayo rin. 

         Sa paggawa ng repleksyong ito, marami na akong naisangga marahil ako ay papatawan na ng parusa sa kabilang buhay. Nakatutuwang isipin na ako ay nailigtas na, ako ay nabigyan na ng kaginhawaan. Hindi pa rin ako sumusuko sa kanya. Ang kaniyang mahiwagang pananalita mula sa banal na aklat ang nagbibigay sa akin ng karunungan at pag asa. Siya ang nagbibigay sa akin ng inspirasyon upang gawin ito. Wari’y sabi niya, “isiwalat mo lamang ang iyong damdamin upang lubos na maunawaan ka”. 
         Maraming salamat sa iyo Oh aking mutyang kaibigan. Ang nagbibigay sa akin ng ilaw ng karunungan at kaliwanagan. Ikaw ang aking tagapagligtas, ang aking gabay, ang aking guro. Na sana ay pagpalain mo sila sa kung ano ang kanilang mga ginagawa. Wari’y bigyan mo sila ng kamulatan sa mga nagyayari sa paligid. Ang aking pamilya ay at mga kaibigan. Bigyan ninyo sila ng ilaw na siyang gagabay sa kanila. Kayo na po ang bahala sa mga taong gumagawa ng kasamaan sa amin. Tulungan niniyo po akong magbago. Akin na ngayo’y naiintindihan kung ano talaga ang tunay na ako na siyang kayo lamang na nakaaalam. Patnubayan ninyo ang aking mga desisyon na magiging makabuluhan at hindi makasakit ng kapwa. Lagi kong naiisip ang mga kabiguang naganap sa akin ngunit hindi ako nagpaaninag sa aking tukso. Kayo po ang nagtaboy sa kanila. Ako ay makasalanan ngunit marunong makaunawa. Ako ay makasarili ngunit mapagbigay. Ako ay sinungaling at magnanakaw ngunit ako ay totoo, Ako mapagmataas at mapagkumbaba ngunit mapagkumbaba. Ako ay masama ngunit mabuti. Nais ko ng kalayaan. Kalayaang maihatid ang mga mabubuting asal an ito sa mga taong nakasama ko at mga nakaaway ko. Kayo na po ang bahala sa kanila. Ako ay hindi perpekto  kaya tulungan ninyo po akong mapalitan ito ng inyong kaluwalhatian. 

         Muli, ang lahat ng ito ay magiging totoo, kung kayo ay may diwa pag iral. At kapag maunawaan na nila ang mga ito, Maaaring maunawaan din nila ako na ang mismong ako ay hindi ko pa kilala sapagkat ako ay hindi pa natatapos. Maraming kailangang gampanan at gawin. Maaari pa ako magbago at maaaring mabago din nito ang buhay ko...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento